28/08/2026
Happy birthday, dad!
63 YEARS AGO TODAY — Isinilang si Gerardo “Doc Gerry” Ortega
Noong August 28, 1963, isinilang sa Aborlan, Palawan si Gerardo “Gerry” Valeriano Ortega — beterinaryo, mamamahayag, environmental advocate, community organizer at dating provincial board member na naging isa sa mga pinakakilalang boses laban sa pagmimina at katiwalian sa Palawan.
Bilang beterinaryo, naging bahagi si Ortega ng Crocodile Farming Institute sa Puerto Princesa noong 1988 at naging direktor nito makalipas ang isang taon. Sa ilalim ng kanyang pamumuno, isinulong ang pagpapalawak ng crocodile farming bilang kabuhayan, na kalaunan ay nagbigay-daan sa pagbuo ng industriya ng crocodile farming sa bansa.
Pumasok siya sa politika noong 2001 bilang miyembro ng Palawan Provincial Board. Doon, naging kritiko siya ng umano’y katiwalian sa provincial government. Tumakbo rin siya bilang gobernador noong 2004 ngunit natalo.
Sa halip na tuluyang lumayo sa public service, ipinagpatuloy ni Ortega ang kanyang adbokasiya bilang project director ng Bantay Kalikasan-Palawan ng ABS-CBN Foundation. Isinulong niya ang community-based sustainable tourism projects, kabilang ang Bacungan River Cruise, firefly watching sa Iwahig River at Ugong Rock.
Kasabay nito, naging broadcaster siya sa Palawan, kung saan ginamit niya ang kanyang mga programa upang talakayin ang mga isyung pangkapaligiran, katiwalian at pamamahala.
Sa mga huling buwan ng kanyang buhay, nakatuon si Ortega sa kampanya laban sa malakihang pagmimina sa Palawan. Naghahanda siyang pumunta sa Manila para ilunsad ang isang kampanyang naglalayong makalikom ng 10 milyong pirma laban sa pagmimina nang siya ay paslangin noong January 24, 2011 sa Puerto Princesa City.
Sa paglipas ng mga taon, nanatiling simbolo si Ortega ng panganib na kinakaharap ng mga mamamahayag at environmental defenders na humaharap sa makapangyarihang interes.
Ang kanyang buhay ay nag-iwan ng isang simpleng hamon sa mga taga-Palawan: “kung may pakialam, may pakinabang.”
63 taon matapos siyang isilang, patuloy na nabubuhay ang kanyang paninindigan sa mga mamamahayag, environmental advocates at komunidad na ipinaglalaban ang kalikasan at karapatan ng publiko na malaman ang katotohanan.